OSIDABULYU (OCW)

Real-Life Comical Illustrations

Special article for Filipinos about Overseas Contract Workers written in their vernacular.

Nilikha at Iginuhit ni RUFRAN C. FRAGO

Ang salitang Osidabulyu ay galing sa daglat ng salitang Englis na “Overseas Contract Workers.” Ito ang termino na unang ginamit ng Pamahalaang Pilipinas sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa sa ilalim ng isang lehitimong kontrata.

Pagkalipas ng ilang panahon, ginamit na rin itong pantawag sa lahat ng Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa maski na ang mga ito ay mga puslit at mga nasa kategoryang T&T o tagu ng tago. Ngayon, ang OCW ay napalitan ng OFW (Overseas Foreign Workers).

Ginamit ko ang orihinal na termino sa paglikha ng aking mga karikatura.

Hindi biro ang desisyon na mangibang bayan subalit maraming mamamayan ng Pilipinas ang gumawa nito. Kalimitan, ang kahirapang kumita ng pera sa sariling bayan ang nagbubunsod sa ating mga kababayan na mag-“abroad.”

Ang pangarap ng dagliang yaman at ang sarap ng pagkita ng dolyar ay mga pangunahing insentibo sa paglisan.

Ang kakapusan sa buhay o kabuhayan, kawalan ng trabahong magbibigay ng sapat na kita, ang patuloy na di pag-ige o ang siklo ng pagbagsak ng ekonomiya, ang korupsyon sa gobyerno ng Pilipinas, ang bulok na sistema at tiwaling pamamalakad sa maraming ahensya ng pamahalaan, ang maling disiplina ng marami, kahirapan ng mga tao, ang nakakaiyamot na pangit na kultura, ang mga pamamalakad na taliwas sa pagpapaunlad ng kalagayang sosyal ng mga mamamayan.

Ang iba ay biglaang umaalis na walang sapat na paghahanda sa sarili. Maski pa alam nilang maraming mga bagay ang higit na masmahalaga sa salapi, ang isipan ay dahan-dahan o dagliang nag-iiba dahil sa kanilang munting pangarap.

May nagwagi at may nasawi. Mayroong sa halip na gumaan at gumanda ang buhay ay lalo pang nawalan or nalubog sa utang. May nawalan ng dignidad, nakulong sa pagtatanggol sa sarili, nasawi dahil sa kalupitan ng mga banyaga, o kaya’y nasiraan ng bait. Kaya nga minsan, kung isisipin natin, mahirap maintindihan ang lohika ng mga nagingibang-bayan.

Wala sa gunamgunam ng mga nakaririwasa at nasa kapangyarihan ang tunay na hirap na dinanas ng maraming Osidabulyu (Overseas Contract Workers). Sigurado akong and kapuwa Osi lang ang tunay na makauunawa. Alam ng bawat isang Osi na napakahirap ang malayo sa kaniyang mga mahal sa buhay.

Maraming mga importanteng bahagi ng buhay ng isang Osidabulyu ang tuluyan ng naglaho, nawala na habang-buhay at kailanman ay hindi na maibabalik baligtarin man ang daigdig.

Hindi na nila halos nakitang lumaki ang kanilang mga anak at hindi na nila namalayang tumanda na ng ganoon ang kanilang mahal na asawa.

Sa katotohanan, may mga nakasama akong mahigit nang dalawampung-taon sa Kaharian ng Saudi Arabia. Umalis na ako ay naroon pa rin sila. Kinuwenta naming isang araw na dalawampu at limang buwan lamang pala silang nagsama ng kaniyang asawa.

Gaano kaya siya kakilala ng kaniyang apat na anak?  

Dahil sa mga naturan, marani’y puno ng kalungkutan ang buhay ng mga Osidabulyu, lalo na yaong mapagmahal sa kanilang pamilya.

Ang inisyal nilang pagkalibang sa bagong kapaligiran ay mabilis na napapalitan ng pangamba at panglaw. Mabagal ang mga araw sa paglipas. Ramdam na ramdam ang pag-iisa at ang matinding pangungulila. Ito ay matinding nararamdaman ng mga bagito sa pngingibang-bayan.

Matutuklasan ng isang Osi na ang berdeng papel na labis niyang kinagigiliwan at pinangarap ay katumbas pala nang mga taon na nalagas. Kasabay ng pagkalagas ng kaniyang buhok, tulad ng mga taon, hindi na niya ito halos namalayan.

Malaki na si bunso, nag-asawa na si panganay, at siya pala ay may apo na! Nakalipas na ang kanilang kamusmusan. Hindi na-enjoy ng kawawang Osi ang  kabataan ng kaniyang mga supling at ang mga okasyon na sana’y siya’y kabahagi. Ang pinakapangit, ay ang malamang may kahati na pala si OSI sa kaniyang mahal na asawa.

Ang ibang Osi naman ay inabot nang kaguluhan, kamatayan o dili kaya ay katandaan sa ibang bansa. Pagkatapos ng ilang dekada sa abrod, karaniwang umuumuwi sila na walng “retirement” o kumpensasyon. “Back to square 1,” ika nga.

Sino sa kanila ang nagkaroon ng masakit na karanasan? Karanasang hinding-hindi malilimutan? Anu-anong pagsusubok ang pinaglabanan? Anong  kahinaan ang naging  sanhi ng kaniyang pagkaduhagi? Aling sakit ang iniwasan? Anong kaapihan ang pinalampas o binata?

Sang-ayon sa pagsisiyasat ng Philippines Statistic Authority noong 2015, ang dami ng Pinoy OCW sa buong mundo ay umabot na sa mahigit na dalawang milyon at apatnadaang libo (2.4 Million). Halos tatlong porsyento (2.9%) ng 2.4 Million ang nagtrabaho ng walang kontrata.

Ganunpaman, sang-ayon sa istatistik, higit na marami ang naging matagumpay at masaya. Ang kabuuang halaga ng perang ipinadala ng mga OSI tungong Pilipinas as panahong Abril hanggang Setyembre 2015 lamang ay Php180.3 billion pesos (~US$4B). Kung kakalkulahin, ibig sabihin nito ay maaaring nakapagpadala sila ng US$8 hanggang US$10B noong nakaraang taon. Walang duda, ang mga OSI ang sandigan ng buong sambayanang Pilipinas.

Kapag nawala sila, guguho ang gobyerno at malamang na magkagulo ang bansa sa kadahilanang marami ang umaasa sa kanila. Sabi nga ng isa kung kaibigan, maski wala raw opisyal na bilang, alam niya na mahigit sa siyamnapung  posyento (90%+) ng tao sa Pilipinas ay nakanganga o umaasa sa mga kamag-anak na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Naniniwala ba kayo? Sabihin nyo nga sa akin gang inyong opinion?

Tulad ng karaniwang sinasabi-sabi ng mga kwento sa mga pahayagan at iba pang babasahin, dalawa ang mukha ng tagumpay at maraming mukha ang buhay.  Ang ating Dakilang Lumikha lang ang tunay nakaaalam nang tiyak na  kahihinatnan ng bawat isa.
Ang mga karikatura sa mga pahinang ito ng Facebook ay halaw sa aking sariling karanasan at karanasan ng iba pang Osidabulyung tulad ko. Ang iba ay galing sa mga kuwento na narinig nating lahat, galing sa ibat-ibang sanggunian. Ang mga pangalan, lugal at sitwasyon ay iniba upang mapangalagaan ang kanilang pribadong buhay. Dahil dito, ang mga karakter at lugal na ginamit ay naging isang kathang-isip lamang o piksyon.

Sana’y makapagdulot ito sa mga mahal kong mambabasa ng galak, paglilimi at mahalagang aral.

Sumasaludo ako sa lahat ng aking mga kasamahang Osidabulyu. Dapat bigyan ng maganda at kumpletong proteksyon ng pamahalaan ang lahat ng manggagawa sa ibang bansa.

Mabuhay ang mga Osi! Maraming salamat sa inyong lahat!

Hanggang sa muli…

Rufran C. Frago, May-akda


Let us know how we can be of service.

Contact Form (#1)